3 patay, 7 pa inoobserbahan Mga Dumagat, Tinamaan ng Tigdas

SAN JOSE DEL Monte City, Bulacan – Tatlo na ang kumpirmadong namatay sa viral infection na Tigdas, habang pito pang pasyente ang inoobserbahan sa Sapang Palay Hospital na tinamaan din umano ng nakamamatay na sakit.

Sa panayam ng Pinoy Parazzi via cellphone kay Dra. Joy Gomez Esguerra ng Provincial Public Health ng lalawigan, kinumpirma nitong ang 3 namatay sa Tigdas ay nasa edad dalawang taon, tatlong taon at apat na taon at pawang mga katutubong Dumagat, at mga residente ng Sitio Inuman, Brgy. San Isidro sa bulubunduking bahagi ng naturang siyudad.

Aniya, bukod sa tatlong namatay sa sakit na Tigdas, may pito pang kabataang Dumagat, na nasa edad isa hanggang 11 ang kasalukuyang ginagamot at inoobserbahan sa pampublikong pagamutan sa lungsod, idinagdag pa ni Gomez na dapat bantayang mabuti ang mga pasyente upang maiwasan ang pagkakaroon ng kumplikasyon ng Pulmonya, na posibleng ikamatay ng isang may sakit na Tigdas.

Base na rin ito sa report na isinumite ni San Jose del Monte City health officer Bethzaida Banaag, na aniya, nakaaalarma ang mabilis na pagkamatay ng mga tinaaman ng nabanggit na sakit, kung saan pinangangambahan ang pagkalat pa nito dahil sa umaatake ang Tigdas sa panahong tulad ng tag-init o summer.

Samantala, agad namang kumuha ng blood sample sa mga pasyenteng nasa hospital ang grupo ni Dra. Gomez upang isailalim sa laboratory test ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para matukoy ang pinagmulan ng nabanggit na sakit.

Bunsod ng naturang ‘outbreak’, agad na inatasan ni Bulacan Governor Willy Alvarado si Dra.Gomez na bigyan ng tulong ang mga apektadong pamilya sa nabanggit na sitio, tulad ng damit, pagkain at gamot.

Sa kasalukuyan, nanatili sa  isang isolation room ang mga biktima upang matiyak na hindi ito makahahawa pa sa ibang mga pasyente ng naturang  pagamutan, habang patuloy na mino-monitor ang iba pang mga ospital sa probinsiya. (TONY DELA PEÑA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.