3 Opisyal ng PH Embassy sa Riyadh, Pinatatanggal

MARIING KINONDENA ng grupong Migrante International ang tatlong opisyal ng Philippine Embassy sa Riyadh, Saudi Arabia na nag-utos umano para buwagin ang 40 overseas Filipino workers (OFWs) na nagkakampo roon.

Ayon kay Migrante International Chairman Garry Martinez, nag-umpisa ang naturang pagbuwag sa camp-out ng mga OFW noong Hunyo 30 at natapos nitong Hulyo 4.

Tatlo aniya ang nahuli na pinakawalan din habang marami ang nasaktan kasama ang ilang bata na na-trauma.

Sinabi ni Martinez na pinangalanan sa mga pinirmahang affidavit ng mga OFW sina Ambassador Ezzedin Tago, Labor Attache Adam Musa at Welfare Officer Abdullah Umpa na nasa likod ng marahas na pagbuwag.

Ang tatlong opisyal umano ang tumawag ng Saudi Police at iniutos na buwagin ang mga OFW kahit nasa bahagi sila ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi.

Isusumite ng Migrante ang mga affidavit ng mga OFW sa Kongreso at iba pang national at international human rights organizations para mabigyan ng kaukulang aksyon.

Samantala, muling ipinanawagan ni Martinez sa gobyerno na agad tanggalin ang tatlong opisyal.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.