3 MM police chief, pinatalsik sa serbisyo

TATLONG HEPE ng pulisya sa Metro Manila ang sinibak sa puwesto sa alegasyong pineke ng mga ito ang ilang dokumento upang palaba-sIng bumaba ang crime rate sa kani-kanilang nasasakupang lungsod.

Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Marcelo Garbo Jr. ang mga napatalsik sa serbisyo na sina Taguig City Police chief Senior Supt. Arthur Felix, Pasay City Police chief Senior Supt. Rodolfo Llorca at Mandaluyong City Police chief Senior Supt. Florendo Quibuyen.

Ayon kay Garbo, ang pagkakasibak sa puwesto sa tatlong opisyal ay bahagi ng layunin ng pulisya na maglingkod nang tapat.

“The Philippine National Police (PNP) strictly forbids any falsification of statistics and documents,” ani Garbo.

Samantala, nahaharap din sa mga kasong administratibo sina Felix, Llorca at Quibuyen na posibleng mauwi sa pagpapatalsik sa serbisyo ng mga ito dahil sa kapabayaan sa trabaho.

Nabatid na epektibo ang naturang order noon pang Oktubre 8. Samantala, itinanggi ni Llorca ang nabanggit na akusasyon.

Aniya, nakasaad sa dokumentong isinumite ng kanyang tanggapan sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na may 1,686 krimen ang naitala sa Pasay City. Gayunman, natuklasan sa ulat ng DIDM na may 3,700 krimen ang naganap sa lungsod.

Sinabi pa ni Llorca na isinama ng DIDM sa bilang ang mga insidente ng trapiko na, aniya, ay hindi naman talaga kabilang sa pagtukoy sa crime rate sa isang lugar.

Sa ngayon, nagsasagawa ang NCRPO ng pre-charge investigation laban sa pito pang hepe ng pulisya at station commander na umano’y nameke rin ng crime rate statistics sa kani-kanilang area of responsibility.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.