3 Magkakaibigan, Grabe sa Saksak ng 15

MALUBHANG NASUGATAN ang tatlong magkakaibigan makaraang pagsasaksakin ang mga ito ng mahigit kumulang sa 15 hindi nakikilalang suspek na pinaniniwalaang kalabang grupo ng mga biktima habang ang mga una ay naglalakad sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktima na kasalukuyang nakaratay sa Chinese General Hospital sanhi ng mga tama ng saksak sa katawan ay nakilalang sina Ronald Rey Diwa, 20, ng # 32 Agudo St., Brgy. 131; Ronnie Petisa, 18, ng 06-1 Cabral St., Maysan, Valenzuela City; at Erwin Del Rosario, 19, ng # 394-C, Kapok St., Brgy. 126, Caloocan City.

Base sa ulat ng Caloocan PNP, dakong alas-7:00 ng gabi nang sugurin ng saksak ng mga suspek ang mga biktima sa kahabaan ng Agudo Street.

Nabatid na katatapos lamang umanong mag-inuman ang tatlong magkakaibigan sa bahay ni Diwa at matapos nito ay nagyaya nang magsiuwi sina Petisa at Del Rosario.

Habang naglalakad ang tatlong biktima ay biglang nasilitaw ang mga suspek na pawang armado ng patalim mula sa likurang bahagi ng mga biktima at walang sabi-sabing pinag-uundayan sila ng saksak sa katawan.

Duguang humandusay ang magkakaibigan sa kalsada habang ang mga suspek ay mabilis na nagsitakas sa iba’t ibang direksiyon.

Ilang residente sa nasabing lugar ang mabilis na nagdala sa mga biktima sa nasabing pagamutan kung saan ang mga ito ay pawang nasa malubhang kalagayan.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.