3 Kilabot na Holdaper, Kalaboso

KULUNGAN ANG kinabagsakan ng tatlong kilabot na holdaper na nambibiktima sa Caloocan City at karatig-lugar sa Kalakhang Maynila matapos na lusubin ang kanilang pinaglulungaan sa nasabing lungsod kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng Caloocan PNP ang mga naarestong suspek na sina Ronald Cruz, 29, alyas “Atong”, tubong Bulacan; Ryan Dacles, 29, tubong Samar at Rommel Carias, alyas “Botchik” pawang mga residente ng Phase 8-B, Package 13, Block 14, Lot 21,, Bagong Silang, ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ni Police C/Insp. Leobert Ong, Sub-Station3 commander, dakong alas-4:30 ng hapon nang masukol ng mga tauhan ng nasabing himpilan ng pulisya ang tatlong suspek sa kanilang pinagtataguan sa kahabaan ng Benigno High School sa Phase 3 Road. Brgy. 176.

Dahil sa mga natatanggap na reklamo ng tanggapan ng SS-3 mula sa mga residente hinggil sa lumalalang holdapan sa nasabing lugar ay kaagad inatasan ni Ong ang kanyang tauhan na magsagawa ng surveillance laban sa mga masasamang elemento.

Base sa pahayag ng isang ayaw magpakilalang biktima ng holdap, nakilala niya ang isang alyas Atong na leader ng mga holdaper pati na ang mga kasamahan nito.

Kaagad na nagsagawa ng pagsalakay ang mga tauhan ni Ong sa pinagta-taguan ng mga suspek na nagresulta sa pagkaka- aresto ng mga holdaper.

Nakuha sa mga suspek ang ilang piraso ng granada, baril at bala ng kalibre .38 baril at improvised  handgun.

Nang magsagawa ng police line-up ang mga awtoridad, positibong itinuro ng mga complainant ang tatlong suspek na siyang nangholdap sa kanila.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.