3 Kilabot, Itinumba ng Kalaban; 1 Pa, Sugatan

TATLONG UNDERWORLD characters na sinasabing sangkot sa iba’t ibang uri krimen ang mga namatay habang isa pa ang mulubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ng kalabang grupo sa Malabon City kahapon ng madaling-araw.

Ang mga namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente sanhi ng mga tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa ulo at katawan ay nakilalang sina Elmer Tolapas, 42; Ronilo Malinao, 30; at isang alyas Melvin Luciano, 37, mga kasapi ng Avatar Gang at pawang naninirahan sa Barangay Hulong Duhat ng nabanggit na lungsod.

Samantala, isang Ronald Pinos, 28, taga-Hulong Duhat ang ginagamot ngayon sa Tondo Medical Center.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Malabon City Police Station, dakong ala-1:00 ng umaga kahapon nang maganap ang pamamaril sa Brgy. Hulong Duhat.

Nabatid na bago umano maganap ang nasabing insidente ng pamamaril, ang mga namatay ay kasalukuyang nagtatagayan ng alak sa nasabing lugar nang biglang dumating ang isang hindi nakikilalang miyembro ng Avatar Gang na may kasamang kasapi ng kalabang grupo, ang Siete Bulabog Gang.

Nang mga lasing na ang mga biktima ay dumating pa ang iba pang miyembro ng Siete Bulabog at kaagad na pinagbabaril ang mga biktima na nagresulta sa maagang pagkamatay ng mga ito.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa hindi malamang direksiyon dala-dala ang mga hindi nabatid na kalibre ng baril na ginamit sa krimen.

Ayon sa ilang residente ng nasabing lugar, ang dalawang grupo ay mortal na magkaaway, kung saan ang mga ito ay sangkot sa iba’t ibang uri ng kriminalidad tulad ng panghoholdap, snatching, at gun for hire.

“Kaya umano iniligpit ng mga miyembro ng Siete Bulabog ang kanilang kalaban grupo ay dahil nais nilang masolo ang paghahari sa mga iligal na gawain sa nasabing lungsod,” dagdag pa ng mga residente.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.