3 Estudyante, Patay sa Salpukan ng Van at Motorsiklo

PATAY ANG tatlong estu-dyante matapos bumangga kahapon ng alas-5:00 ng madaling-araw ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kasalubong na delivery closed van sa national highway sa Magsaysay, Naguilian, Isabela.

Nakilala ang mga biktima na sina Bartome Flores, 17, residente ng San Mariano, Isabela; Jeorge Catulos, 20, ng Dalakip, Angadanan, Isabela; at Johnny Medina, 19, ng Centro I, San Guilermo, Isabela, pawang estudyante ng Isabela State University sa Cauayan City.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng mga awtoridad sa Naguilian, Isabela, tinangka ng sinasakyang motorsiklo ng mga biktima na unahan ang isang police car nang marating nila ang crossing patungo sa Barangay Minallo, lampas ng Naguilian Bridge ngunit bumangga sa kasalubong na delivery truck na minamaneho ni Edison Solis, residente ng Batal , Santiago City na patungo sana sa bayan ng Cabagan, Isabela.

Dahil sa mabilis na takbo ng motorsiklo ay pumailalim ito sa delivery van na may mga lulang frozen foods kung saan nakaladkad nang halos 100 metro na dahilan ng agad na pagkamatay ng mga biktimang sina Flores at Catulos.

Samantala, sinikap naman ng Rescue 922 na isalba ang buhay ng isa pang biktima na si Medina subalit idineklarang dead on arrival ng madala sa isang pribadong ospital sa Cauayan City.

Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng PNP Naguilian si Solis para sa karagdagang imbestigasyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.