3 EMPLEYADO MINASAKER NG ARMY

KANANGA, LEYTE – PATAY ang dalawang empleyado ng Energy Development Corporation (EDC) at isa sa mga consultant ng isa sa mga proyekto nito, samantalang kritikal pa rin ang isa pang empleyado nito matapos diumano silang mapagitnaan sa engkuwentro ng mga tauhan ng 19th Infantry Batallion at mga New People’s Army bandang alas-12:30 ng tanghali kahapon (Nob. 15) sa Pad 403, sa Upper Mahiao, Brgy. Lim-ao sa bayang ito.

Gayunman, ang pahayag ng Army na “cross fire” ay mariing pinabulaanan ng isang nakaligtas sa insidente at sinabing talagang sinadya silang pagbabarilin ng mga Army.

Kinilala ni P/S Insp. Joel Camacho, hepe ng Kananga PNP, ang mga namatay na sina Dr. Leonard Co, 57, isang forestry and bio-diversity expert na consultant ng Binhi Foundation, Sofronio Cortez, ng EDC at Julio Borromeo, guide ng grupo na miyembro ng Tongonan Farmers Association (TOFA) ng Ormoc City.

Samantalang nasa OSPA Hospital pa rin si Niño Gibi, isa ring empleyado ng EDC at ginagamot dahil sa mga natamong sugat nito sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Napag-alaman na nagsasagawa umano ng pagmamarka ng mga malalaking kahoy ang grupo na pinangunahan ng nasawing consultant upang gawing mother tree kaugnay sa programa ng Binhi Foundation na reforestration sa nabanggit na “forest reserved” ng EDC.

Inihayag ni Policarpio Bolate, 33, may asawa, na isa ring guide at sakop ng TOFA na siyang tanging walang tama sa nangyaring sakuna, na katatapos lang magkiskis ng balat ng isang malaking puno ng kahoy nang umalingawngaw ang sunud-sunod na mga putok. Dagdag pa nito na sa lakas daw ng mga putok, inakala niyang selebrasyon ng Bagong Taon dahil sa magkahalong malalakas at sobrang lakas na putok ang diumano’y narinig nito sa loob ng halos 15 minuto.

Ayon pa kay Bolate na isang lugar lang ang pinanggalingan ng putok at ito ay nasa bandang likuran nila. Nang mapansin ni Bolate na parang papalapit na ang mga putok sa kanilang pinagdapaan, sinigawan na nito ang kanyang mga kasamahan na tumakbo na dahil sa tantiya nito malapit na silang madaplisan ng mga bala.

Subalit hindi umano siya pinakinggan ng kanyang mga kasamahan kaya nang makakita ng pagkakataon ay tumakbo siya palayo patungo sa pad kung saan nandoon daw ang kanilang service. Narinig pa umano nito ang consultant na sumisigaw ng “’Wag sir! ‘Wag sir!” habang siya na tumakbo palayo ay sumigaw na rin umano ng “Hindi kami kalaban!”.

Lalo pa siyang tumakbo papalayo sa lugar nang makita niyang wala na ang kanilang service na nalaman din niyang lumayo ito nang makarinig ito ng sunud-sunod na putok. Kinuha kaagad ng mga kasamahan ng mga biktima sa EDC ang mga bangkay ng nasawi at dinala sa Kananga Municipal Hospital habang ang naghihingalong si Gibi ay dinala naman sa OSPA Hospital sa Ormoc City, samantalang ang mga bangkay ng mga biktima ay kasalukuyang nasa isang lokal na punerarya at naghihintay na masuri.

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.