3 Dakip sa Baril, Baril-Barilan at Patalim

KULONG ANG tatlong lalaki matapos mahulihan ng baril, baril-barilan at patalim nang makita ng mga pulis na may sukbit ang isa sa mga una habang magkakaangkas sa motorsiklo sa Malabon City kamakalawa ng madaling-araw.

Nahaharap sa mga kasong illegal possession of firearm, illegal possession of deadly weapon at paglabag sa Omnibus Election Code sina Bryan Fernando, 21, ng Asogue St; Jerry Dela Cruz, 18, ng Gulayan, Catmon kapwa ng lungsod; at Ronnie Aquino, 35 ng Heroes Del 96, Caloocan City.

Base sa ulat, dakong alas-4 ng madaling-araw, nagpapatrulya ang mga pulis sa MacArthur Highway, Potrero ng lungsod nang mamataan ang mga suspek na tumawid sakay ng isang motorsiklo.

Napansin ng mga pulis ang nakasukbit na baril sa kanang beywang ni Fernando na naging dahilan upang sitahin subalit hindi huminto ang mga suspek.

Hinabol ng mga pulis ang mga suspek hanggang sa bumaba si Fernando dahil nahulog ang sukbit na kalibre .38 na naging dahilan upang maabutan at madakip ng mga pulis.

Makalipas ang ilang sandali ay naabutan din ang dalawa pa sakay ng Honda XRM (6800-PA) kung saan nakuhan ng patalim si Aquino habang replica naman ng Phyton 357 ang nakuha kay Dela Cruz.

Dahil bawal din ang mga replica ng baril ay isinama rin sa presinto si Dela Cruz at kasama sa mga sinampahan ng mga nasabing kaso.

Inaalam na rin ng mga pulis kung sangkot sa mga ilegal na gawain ang mga suspek.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.