3 bully, grinipuhan ng aswang

SAKSAK ANG inabot ng tatlong lalaki mula sa isang 67-anyos na lolo na pala¬ging itsinitsismis na isang aswang sa kanilang lugar sa Bgy. Patong, Pamplona, Camarines Sur.

Sugatan sina Cristobal Santa Isabel, 23; Joseph Balaguer, 21; at Antonio Alduro, 27, makaraang pagsasaksakin ng matandang salarin na kinilala ni SPO1 Domingo Durante ng Pamplona Police Station na si Peter Meriz, isang electrician na kapit-bahay rin ng mga biktima.

Naganap ang naturang insidente alas-8:30 ng gabi noong Sabado.

Base sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, palaging binu-bully at binubuska ng mga biktima ang suspek ukol sa pagiging aswang umano nito sa tuwing nadadaanan ng mga ito ang bahay ng matanda.

Ang tatlong biktima rin umano ang nagpakalat sa kanilang lugar na nagbabagong-anyo ng matanda kaya nag-iisa na lamang ito at walang pamilya.

Ayon sa mga awtoridad, dumaan ang mga biktima sa tapat ng bahay ng suspek na lango sa alak. Binu-bully ng tatlo ang matanda at tinatawag na aswang. Hindi na kinaya ng suspek ang mga panlalait ng tatlo kaya naglabas ng kutsilyo at pinagsasaksak ang mga biktima.

Bago naman nangyari ang insidente ay hinamon pa umano ng mga ito na magbagong-anyo ang suspek kung kaya’t hindi na nakatiis ang matanda at sinugod ang tatlo gamit ang panaksak.

Matapos ang pananaksak ay itinapon nito ang kutsilyong ginamit bago kusang sumuko at inamin ang ginawang krimen.

Samantala, kahit sumuko na ang matanda ay nakatakda rin umano itong pakawalan ng mga awtoridad matapos na umatras ang tatlong biktima na magsampa ng kaso.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.