3 Bulagta; 6 Sugatan sa Kidlat

PATAY ANG tatlong lalaki sa Brgy. Kasiklan, Las Nieves, Agusan del Norte habang sugatan naman ang anim na kasamahan ng mga ito matapos tamaan ng kidlat nang bumuhos ang malakas na ulan kamakailan.

Nakilala ang isa sa tatlong nasawi na si Loloy Aca, 35, may-asawa at nakatira sa naturang barangay habang hindi pa nakikilala ang dalawa na chainsaw operator at helper na residente ng Brgy. Maguinda, Butuan City.

Habang ang mga nasugatan naman ay nakilalang sina Jonathan Jabin, Nestor Basallo, Ryan Ranara, Bongbong Aca, at Joel Bernas, pawang mga taga-Brgy. Kasiklan at nagtatrabaho bilang mga kargador ng falcata.

Ayon sa salaysay ng biktimang si Joel Bernas, sumilong sila sa isang kubo habang hinihintay na tumila ang ulan para magbuhat ng falcata patungo sa kalsada nang bigla na lang kumidlat.

Dalawang kidlat pa umano ang nasaksihan nila bago tumama ang ikatlong kidlat sa kanila.

Napag-alaman na pangalawang beses na itong nangyari sa nabanggit na barangay.

Sinabi ni Brgy. Capt. Edwin Placedo ng Brgy. Kasiklan na dalawang katao rin ang tinamaan ng kidlat sa kanilang lugar noong 2011 kung saan isa sa mga ito ang binawian ng buhay.

Samantala, napag-alaman na dead-on-the-spot ang dalawang hindi nakilalang mga biktima habang sa bahay na nila nasawi si Aca at dinala naman kaagad sa Agusan del Norte Provincial Hospital ang mga nasugatan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.