28, Patay sa baha at landslide sa Mindanao – NDRRMC

TUMAAS NA sa 28 ang bilang ng mga nasawi sa patuloy na mga pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha at landslides sa tatlong rehiyon sa Mindanao.

Lumalabas sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 15 ang kumpirmadong namatay kung saan kabilang dito ang apat mula sa Compostella Valley, pito mula sa Davao Oriental, isa sa Davao del Norte at tatlo mula sa Caraga Region.

Subalit may lumabas na report na lumobo na sa 16 ang binawian ng buhay sa Caraga Region na kinabibilangan ng apat mula sa lalawigan ng Agusan del Norte.

Pinakahuling nadagdag sa bilang ng mga namatay sa Agusan del Norte ay ang isang lala-king palutang-lutang sa karagatan ng Brgy. San Jose sa bayan ng Jabonga.

Patuloy pa ring inaalam ang pagkakilanlan ng nasabing bangkay na wala ng saplot sa katawan at tinatayang nasa edad na 40 hanggang 50-anyos at naagnas na habang may mga kagat na ng mga isda.

Base naman sa ulat ni Mark Gil Calang ng Office of the Civil Defense-Caraga na pito na lahat ang nasawi sa Dinagat Island dahil maliban sa anim na patay sa landslide sa bayan ng Cagdianao, ay may isa pang patay sa pagkalunod sa nasabing lalawigan.

Una nang naitala ang pagkasawi nina Jolito Solima Agatia, 32 anyos, residente ng P-3 Ombong, Brgy. Pangaylan bayan ng Santiago, Agusan del Norte matapos maaksidente nang tumawid sa tubig-baha sa Aciga River.

Binawian din ng buhay si Michael Paran, 14 anyos ng Brgy. Laurel, bayan ng Taganaan, lalawigan ng Surigao Del Norte matapos malunod nang tumawid sa tubig-baha sa Mat-i River.

Napag-alaman din sa report ng NDRRMC na nasa 13 iba pa ang nawawala sa Region 11 at Caraga Region.

Nasa 40,640 pamilya o katumbas ng 199,327 na pamilya naman ang apektado ng kalamidad sa 192 barangay, 48 bayan sa 10 lalawigan sa Regions 10, 11 at Caraga.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.