251 Kabataan, Nasagip sa Caloocan

HIGIT SA dalawang daang kabataan ang nasagip sa Caloocan City na pawang mga naliligaw ng landas upang mabigyan ng tulong ang mga ito sa ilalim ng administrasyon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri.

Sa nakalap na impormasyon sa City Social Welfare and Development (CSWD), ang nasabing bilang ng mga kabataan na nailigtas ng lokal na pamahalaan mula sa tuluyang pagkakapariwara ay simula lamang noong Enero ng kasalukuyang taon hanggang sa kasalukuyan.

Inaasahan pa na darami pa ang bilang ng mga menor de edad na masasagip ng administrasyon ni Echiverri dahil patuloy ang kampanya ng lokal na pamahalaan upang mapa-ngalagaan ang kapakanan ng mga kabataan sa lungsod.

Napag-alaman pa sa talaan ng CSWD na 156 sa mga kabataang ito ang matatawag na Children in Conflict with the Law (CICL) o iyong mga menor de edad na nagkaroon ng kasalanan sa batas ngunit dahil sa kanilang murang edad ay hindi maaaring kasuhan ang mga ito.

Ayon kay Echiverri, ang mga kabataang tinatawag na CICL ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Yakap Bata Holding Center (YBHC) na matatagpuan sa tabi ng main city hall, kung saan ay dumadaan ang mga ito sa konsultasyon upang maitama ang kanilang pag-uugali sa pamamagitan ng counseling at Christian Ministry o Bible study.

Kasama naman sa nabanggit na bilang ang mga batang palaboy (street children), mga may sakit sa pag-iisip, kabataang nakaranas ng pang-aabuso sa kanilang mga magulang at ilang mga menor de edad na napipilitang pumasok sa prostitusyon.

(MARY H. SAPICO)

 

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.