25 Patay sa Landslides sa ComVal

UMABOT NA sa 25 katao ang nasawi habang 50 ang sugatan nang gumuho ang bahagi ng bundok sa Pantukan, Compostela Valley, kahapon.

Ayon kay Col. Roberto Domines, commander ng 101st Brigade ng Philippine Army, alas-3 ng madaling-araw nang una nilang matanggap ang impormasyon hinggil sa pagguho ng lupa sa gilid ng bundok sa bahagi ng Gold Panning area sa Diat 1 na umabot hanggang sa Diat 2 at Diat 3 na labis na naapektuhan.

Sinabi naman ni Saul Pinggoy, residente ng Diat 1, bumigay ang bahagi ng bundok sa kanilang lugar at natabunan ang tinatawag na 700 tunnel, kung saan sa una nitong pagtaya ay aabot na sa 50 ang namatay habang mahigit 100 pa ang natabunan.

Sinabi ni Pinggoy na matagal nang naglabas ng warning ang Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geoscience Bureau sa mga residente sa lugar na lumikas na dahil may crack na ang bundok.

Inihayag din ni Pinggoy na walang ulan sa lugar kaya’t hindi pa nila matukoy kung ang tunay na dahilan ng landslides.

Nilinaw naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) executive director Benito Ramos na ang lugar ay hindi mining area kundi residential area na ang karamihan sa nakatira ay pamilya ng mga minero.

Ang naturang lugar ay kilala sa mga mining operations kung saan taun-taun ay nagkakaroon ng landslides.

Noong Abril ng nakaraang taon, mahigit 10 katao ang nasawi habang mahigit 40 pa ang nawawala sa landslides sa Barangay Kingking sa bayan din ng Pantukan.

(EUNICE CALMA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.