21 Pinalayang Pinoy Peacekeepers sa Syria, Kinilala ng Phil. Army

PINANGALANAN NA ng pamunuan ng Philippine Army (PA) ang 21 Pinoy peacekeepers na ligtas na pinalaya kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Philippine Army (PA) Commanding General Lt. Gen Noel Coballes ang 21 Pinoy peacekeepers na sina: 1) Maj. Dominador Valerio PA , 2) Maj. Michael Mangahas PA, 3) Cpt. Xy-Rus Menesses PA, 4) SSg. Jerry Lasquite PA, 5) Sgt. Freddie Ramos PA, 6) SSg. Armando Queza PA , 7) Cpl. Marcelo Tagle PA , 8) Cpl. Jovin Baccay , 9) Cpl Elson Tunac , 10) SSg. Lambert Banganan PA , 11) Sgt. Alan Gabunales PA , 12) Cpl. Vivencio Raton PA, 13) Cpl. Ariel Evangelista PA , 14) TSg. Elmer Esteban PA, 15) SSg. Felicito Baccay PA, 16) Sgt. Dionisio Manuel PA, 17) SSg. Rhae Bolhayon PA, 18) Cpl. John Paul Yabut, 19) Cpl. Jheraldine Sario, 20) Sgt. Aristotel Selosa PA, at 21) Cpl. Antono Cortez.

Hindi naman mapantayan ang kasiyahan ng pamunuan ng Army hinggil sa ligtas na pagpapalaya ng Syrian rebels sa Pinoy peacekeepers.

Samantala, ayon kay  Army spokesman Lt. Col. Randolf Cabangbang,  lubos ang kanilang pasasalamat sa mga tumulong sa negosasyon partikular sa mga taong tumulong din upang maging mapanatag ang loob ng mga kamag-anak ng mga binihag na sundalo.

Ikinatuwa naman ng pamahalaan at ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpapalaya sa 21 Filipino peacekeeper na dinukot umano ng Syrian rebels noong Marso 6.

Ipinahatid ng DFA ang pasasalamat nito sa Jordanian government at mga opisyal ng militar para sa ligtas na pagsagip sa mga nasabing kasapi ng United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF).

Nanawagan naman ang DFA sa mga Syrian rebel o iba pang mga grupo na irespeto ang kalayaan ng UNDOF na siyang nagmo-monitor ng Disengagement of Forces Agreement sa pagitan ng Israel at Syria.

Magugunitang dinukot ang mga Pinoy noong Miyerkules habang nagpapatrolya sa Golan Heights at dinala sila sa village ng Jamlah sa southwestern Syria malapit sa Jordan.

Samantala, unang i-giniit ng mga Syrian rebel na kabilang sa Martyrs of the Yarmouk Brigades na pakakawalan lamang nila ang mga bihag kung aatras ang tropa ng Syria sa lugar, pero kalaunan, nakipagnegosasyon na sila sa mga opisyal ng UN para sa ligtas na paglaya ng mga peacekeeper.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.