Guwapo at sikat na young actor, nakapagpatayo ng bonggang bahay dahil sa mayamang gay benefactor!

BLIND ITEM: HANGGANG ngayon usap-usapan pa rin pala ‘yang bagong bahay na ipinatayo ng isang guwapo at sikat na young actor.

Siguro mga halos limang taon pa lang siya sa showbiz at alam namang hindi ganu’n kalakihan ang kinikita nito sa kanyang network dahil naka-kontrata siya, kaya kuwestiyunable kung bakit nakapagtayo siya ng ganu’n kalaking bahay at obvious na ilang milyon ang inabot nito.

Hindi pa kasama diyan ang mga bongga niyang kotse na hindi basta-basta lang kundi mamahalin talaga.

Malamang kumita si guwapong young actor sa mga endorsement nito at ilang raket na pa-show-show sa ibang lugar. Pero siyempre, may iba pang gastusin iyan kaya marami pa rin ang nagtatanong kung bakit nakapagpatayo siya ng ganu’n kalaking bahay.

Naglalabasan ngayon ang isyung may mayamang gay benefactor siya at kilala ko itong tinutukoy nilang bading.

Minsan nga ay naitanong ko pa ito sa mayamang bading kung totoo ‘yang isyu sa kanila nitong si guwapong young actor at tipid lang ang sagot sa akin, “Matagal na ‘yun! Ano ba!”

Iyun pala nu’ng nagsisimula pa lang itong si guwapong young actor ay tumira ito sa bahay ni mayamang bading na sabi nga ng iba ay matagal din silang nag-live in.

Kaya nagkaroon talaga ng kakaibang pagsasama ang dalawa kaya nu’ng sumikat at naging successful naman sa showbiz itong si young actor, patuloy pa rin silang naging close. Kaya nu’ng nag-decide daw itong magpatayo ng bahay ay nag-share daw itong si mayamang bading na businessman ng malaking halaga para maipatayo lang ang bonggang bahay na ‘yun.

Wala naman akong sinasabing naging sila, pero kakaiba raw ang closeness nila kaya naman willing gumastos si mayamang bading ng malaking halaga para maipatayo lang ang dream house nitong si guwapong young actor.

Malakas daw itong si mayamang bading sa ibang executives ng network na pinagtatrabahuan ni guwapong young actor, dahil naging close din nito ang ilan pang mga guwapong aktor na sumikat doon. Bongga!

NAGKAHARAP NA SINA Jennylyn Mercado at ang dating PA nitong si Mel Pulmano na kinasuhan niya ng Qualified Theft at kasalukuyang nakakulong pa rin sa Camp Karingal.

Nagkaroon ng hearing nu’ng Martes ng hapon at umupo na si Jennylyn bilang witness para patunayan kung paano raw ito ninakawan ni Mel sa kanyang bank account.

Hindi nagkabati ang dalawa, at pagkatapos ng hearing ay nagpa-interview si Mel at sinabi nitong kasinungalingan ang ilang pahayag ni Jennylyn kaya natatawa na lang daw siya.

“Doon ko nakita kung gaano siya kasinungaling at kung paano niya ginamit ang pagiging artista niya sa korte,” pahayag ni Mel.

Sey naman ni Jennylyn, “Kung magsisinungaling lang ako, bakit pa ako uupo rito bilang witness at bakit ko pa ipagpapatuloy ang kasong ito?”

Pursigido si Jennylyn na ituloy ang kaso at gusto niyang makulong si Mel para matuto raw sa mga ginawa nito laban sa kanya.

Matagal na raw niya itong napatawad pero hindi na raw niya maiuurong ang kaso dahil nakasampa na ito at gusto naman niyang ituloy dahil kung anu-ano pa raw ang mga pinagsasabi ni Mel laban sa kanya.

Sa susunod na hearing sa March 30 ay uupo naman si Becky Aguila para lalong mapatunayan ang kasong isinampa nila laban kay Mel.

Mangiyak-ngiyak si Mel sa kanyang pahayag na matagal na siyang nagtitiis sa kulungan, kahit hindi pa napatunayang nagkasala siya. Pero wala naman daw siyang magagawa kundi harapin ito at sana nga raw dumating ang araw na magbabayad ang totoong may sala sa kasong ito.

By Gorgy’s Park

Previous articleBea Alonzo, ‘di sinipot ang premiere ng pelikula sa California!
Next articleParazzi Chikka: Sam Pinto: BUKAS NA!

No posts to display