200K reward sa pumatay sa hepe ng ESS sa North Caloocan

 

NAKATAKDANG MAGBIGAY ng P200,000 reward si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa makapagtuturo at makahuhuli sa pumatay sa officer-in-charge (OIC) ng Environmental Sanitation Services (ESS) ng Caloocan City Hall North na inambus kasama ng asawa nito sa naturang lungsod kahapon ng umaga.

Kasabay nito, inatasan na rin ni Echiverri si Caloocan City Chief of Police Sr. Supt. Jude Wilson Santos na agad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.

Ang biktima na nakilalang si Bobby Merrera, OIC ng ESS Caloocan City Hall North ay hindi na umabot nang buhay sa pagamutan habang ang asawa naman nitong si Dra. Beng Merrera ay ginagamot pa rin sa pagamutan sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa tiyan.

Base sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong 10:30 sa kahabaan ng Narra St., Rainbow Village 5, Bagumbong ng nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon sa pulisya, sakay ang biktima ng Isuzu Crosswind nitong kulay puti at may plakang ZTE-388 kasama ang asawa nitong si Beng nang bigla na lamang pagbabarilin ng mga suspek na nakaantabay lamang sa naturang lugar.

Matapos ang insidente ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek kung saan ay sumakay ang mga ito ng motorsiklo na minamaneho ng kasama ng mga ito na naghihintay sa mga salarin hindi kalayuan sa pinagganapan ng insidente.

Samantala, mariin ding kinondena ni Echiverri ang ginawang pagpatay kay Merrera kasabay ng pag-utos nito sa lokal na pulisya na agad na magsagawa ng manhunt operation upang maaresto ang mga salarin.

Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa ginawang pagpatay sa biktima habang inaalam din kung may kinalaman sa trabaho nito ang naganap na insidente.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.