200 Pribadong Eskuwelahan, Pinayagang Magtaas ng Matrikula

MAY KABUUANG 200 pribadong eskuwelahan sa elementarya at high school sa National Capital Region pa lamang ang inaprubahan ng Department of Education (DepEd) na magtaas ng singil sa matrikula ngayong dara-ting na pasukan.

Sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na nasa 6 porsyento ang inaprubahan nilang pagtataas at hindi na dapat lalagpas dito.

Idinahilan ni Luistro na kailangan ang naturang pagtataas para sa pampasuweldo sa mga guro, pagsasaayos ng mga pasilidad, at iba pang kagamitan.

Sa ngayon, inilunsad na ng DepEd ang taunang Brigada Eskuwela sa Philippine School for the Deaf sa Pasay City upang maihanda ang mga paaralan sa pasukan sa pamamagitan ng pagkukumpuni, pagpipintura at paglilinis sa mga silid-aralan.

Katuwang ng DepEd ang ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of the Interior and Local Government, Armed Forces of the Philippines, mga lokal na pamahalaan, mga non-government organizations, pribadong sektor, mga magulang at mga estudyante.

Nabatid na aabot sa 25 milyong mag-aaral ang babalik sa mga paaralan sa Hunyo 3 kung saan 20.5 milyon ang nasa mga pampublikong eskuwelahan.

Samantala, nabatid na unang inumpisahan ang Brigada Eskuwela noong 2003 at nasa 10 taon na ang implementasyon. Dito nakatitipid ang DepEd sa pagkukumpuni sa mga paaralan lalo na sa mga lugar na tinatamaan ng kalamidad.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.