200 Mini-Hydro Powerplant, Balak Ipatayo ng NIA

PLANO NG National Irrigation Administration (NIA) na magtayo ng mga mini-hydro powerplant upang makatulong sa kakulangan ng suplay ng kuryente sa bansa.

Ayon kay NIA administrator Antonio Nangel, natukoy na nila ang 200 irrigation canal na maaaring magsilbing mini-hydro plant na kayang gumawa ng 200 kilowatt hanggang 2 megawatt bawat istruktura.

Ang 200 mini-hydro powerplant ay kayang gumawa ng 150 megawatt na kuryente, na katumbas ng isa at kalahating enerhiya na nagagawa ng Pantabangan Dam, ani Nangel.

Dagdag niya, 60% ng mga mini-hydro plant ay itatayo sa Luzon, 10% naman sa Visayas at ang nalalabing 30% ay sa Mindanao area.

Nakuha ng NIA ang naturang ideya sa irrigation system sa bansang Japan. Tinataya namang aabutin ng P18 milyon ang gagastusin kada planta, saad pa ni Nangel.

Ang Philippine National Oil Company (PNOC) umano ang magpopondo sa nabanggit na proyekto at bukas din sila sa pa-kikipag-ugnayan sa ibang pribadong sektor.

Samantala, sa oras na maiayos ang iba pang mga detalye ng naturang proyekto ay maaari nang masimulan ang pagbubuo ng mga power plant sa huling bahagi ng taon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.