2 Traffic Enforcer, Inireklamo ng Pambubugbog ng 16-Anyos na Binatilyo

ISANG 16-ANYOS na  batang lalaki ang naghain ng reklamo laban sa dalawang kagawad ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) ng Caloocan City ng Physical Injuries in Relation sa 7610, iniulat ng pulisya kahapon ng umaga.

Ang nagharap ng reklamo ay nakilalang si Bryan Reyes, 16, nakatira sa # 282 Maria Clara St., Grace Park, Caloocan City laban kina Roderick Garcia at George Gavanez, parehong nasa hustong gulang at mga miyembro ng RDPSTM ng Caloocan City Hall.

Base sa naging reklamo ng biktima, sinaktan siya ng dalawang nabanggit noong nakalipas na Mayo 4, 2012, bandang alas-6:15 ng gabi sa may Rizal Avenue, LRT, Monumento ng nasabing lungsod.

Nakasaad sa reklamo ng batang Reyes, tumatawid siya at ang kanyang ina sa basabing lugar ay agad silang sinalubong ni Garcia at bigla siyang itinulak nang malakas.

“Nagulat po ako sa pangyayari, tinanong ko siya at sinagot, kaya lalong siyang nagalit sa akin, kung saan ay bigla ring lumapit sa akin si Gavanez at biglang hinablot ang suot kong T-shirt at binitbit po ako patungo sa kanilang sasakyan (RDPSTM patrol car),” sabi pa ni Reyes.

Idinagdag pa ng biktima, “Habang nasa loob ako ng patrol car para magpa-medical, bigla akong sinuntok ni Garcia sa leeg at tinamaan din ang aking kaliwang tai-nga at sinuntok din ako sa batok dahilan upang sumubsub po ako sa loob ng sasakyan.”

Pilit namang inaawat ni Edith Reyes, ina ni Bryan ang dalawang miyembro ng RDPSTM subalit ayaw magpaawat at patuloy umanong sinasaktan ang batang biktima.

Inihain ng batang Reyes ang kanyang reklamo sa Caloocan City Prosecutor’s office.

Kaugnay nito, hinihiling ng mag-inang Reyes kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na imbestigahan ang kanilang reklamo laban sa dalawang tauhan ng RDPSTM.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.