2 Tanod, Binugbog ng 3 Senglot sa Loob ng Barangay Hall

MALALAKING BUKOL at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng dalawang barangay tanod ng Brgy. Catmon, Malolos City matapos umanong bugbugin ng tatlong kalalakihan na ang isa ay napag-alamang kamag-anak ng nanalong alkalde sa kalapit na bayan, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala  ang dalawang biktima na sina Robinal Albarida at Ramon dela Cruz, kapwa may sapat na gulang at pawang mga residente ng Bgy. Catmon.

Samantalang  inilala ang isa sa tatlong suspek na si Javie Lopez, nagpakilalang bilas ni mayor-elect Amboy Manlapaz ng Hagonoy, Bulacan.

Ayon kay kagawad Noel Parong Cruz, nangyari ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling-araw, habang ang isang biktima ay umiikot sa kanilang barangay nang mapadaan umano si Lopez na may bitbit na baril, kasama ang dalawang kalalakihan na pawang mga lango sa alak nang bigla na lamang umanong tinanong nito ang biktima ng “Gusto mo barilin kita?”

Agad umanong umalis ang tanod at nagtungo sa loob ng barangay hall, subalit nagulat na lamang umano ang mga tanod nang sumugod ang tatlong kalalakihan, kabilang si Lopez at pinasok umano sila at agad pinagsusuntok sa mukha ang unang biktima at ang kasama nitong tanod na aawat ay pinagbalingan naman umano ni Lopez habang nakaantabay naman ang dalawang kasama nito.

Matapos ang insidente ay agad na umalis ang mga suspek sa ‘di malamang direksyon.

Dahil dito, nakatakdang sampahan ng kaso ngayong araw ang mga suspek sa Malolos City Municipal Trial Court.

Bunsod nito’y agad inatasan ni Mayor Christian Natividad na gawan ng aksyon ang ginawang pambabastos umano ng suspek sa mga tanod na pinagkakatiwalaan ng mamamayan para sa kapayapaan at katahimikan ng barangay.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.