2 SUSPEK SA ROBBERY, PATAY SA MGA PULIS NI ROBERTO C. DEJON

ORMOC CITY – NAPILITANG pagbabarilin ng mga operatiba ng PCP1 ang dalawang nahu-ling suspek sa robbery ng isang tindahan ng motorsiklo nitong Disyembre 31 nang pagtulu-ngan nilang agawin ang baril ng isa sa mga pulis na nag-escort sa kanila habang patungo sa pinagtataguan ng kanilang mastermind pasado alas-9 ng gabi nitong Martes.

Kinilala ni P/Insp. Shevert Alvin Machete ang mga nasawi na sina Ruel Publico y Pagatpat, a.k.a Gagang, 25, may asawa, walang trabaho, na taga-Sitio Nipotnipot, Brgy. Sto. Niño; at Anderson Perez y Balane, 26, may asawa, isang security guard, na naninirahan sa Brgy. Dolores.

Ang dalawa ay nahuli sa tirahan ni Publico sa Brgy. Sto. Niño pasado alas-6 ng gabi ring iyon base sa isang sulat ng isang concerned citizen sa mga pulis, kung saan itinuro nito si Publico na nakitang isa sa mga magnanakaw sa Motortrade sa may F. Ablen St., sa Brgy. Cogon noong hapon ng Dis. 31.

Ayon pa sa sumulat nagtataka raw umano siya kung bakit ang daming pera ni Publico, samantalang alam naman nilang wala itong hanapbuhay. Sinabi rin sa sulat na dati rin umanong NPA si Publico na naging sakop na CAFGU matapos sumuko, at nahuli na rin daw ng pulis matapos pumatay ng kanilang kapitbahay na nagngangalang Hesus.

Ibinunyag ni Machete na base sa obserbasyon, tila may lakad ang dalawa ng gabing iyon kung kaya nang pasukin ng mga pulis ang bahay ni Publico ay bumu-ngad sa kanila ang dalawang backpack na kapwa naglalaman ng tig-iisang kalibre .38 na revolver at tig-iisang granada. Nakuha rin mula sa backpack na blue na pag-aari ni Publico ang isang yellow pad na may nakasulat na mapa kung saan tinutumbok nito ay ang 828 Fashion House.

Dakong alas-7:13 ng gabi nang makabalik sa PCP1 ang grupo ni Machete at ang dalawang nahuling suspek, kung saan isang interogasyon ang isinagawa. Napag-alaman na may itinuro ang dalawang suspek na isang nagngangalang Cardo na kanila umanong mastermind, kung saan napagkasunduan ng mga suspek at imbestigador na puntahan ang bahay ng nasabing si Cardo sa Nadongholan.

Bago umalis sa nasabing lugar, tinawagan ni Insp. Machete ang Pinoy Parazzi upang kapanayamin ang dalawang nahuling suspek. Mariin namang ipinagkaila ni Publico na kasama siya sa mga nagnakaw sa Motortrade. Kahit na itinuro ito ni Ramil Agner, ang manager ng nasabing tindahan na siyang kasama sa kumuha ng halagang P45,000 cash sa kanilang kaha na kita ng noong araw na iyon.

Si Perez naman ay nagpahayag na kaya raw niyang pumatay ng tao, pero hindi ang magnakaw.

Lumakad na ang grupo gamit ang dalawang sasakyan papunta sa Nadongholan, kung saan naganap ang barilan. Ang unang sasakyan, isang back to back na Lite Ace kung saan naroon ang mga suspek, at sinundan ng service car ni Insp. Machete.

Base sa nasaksihan ng Pinoy Parazzi na sakay ng service car ni Insp. Machete, matapos dumating sa isang liblib na lugar ay nahulog si SPO3 Teting Serrano at bumagsak sa kalsada dahil inagaw ni Publico ang baril nito na sinunggaban naman ni Perez. Dahil mahina ang takbo ng aming sinakyan dahil sa daan, tumigil kaagad ito at naglabasan ang mga kasama naming mga pulis kasama si Machete.

Matapos ang unang putok, tumakbo palayo si Perez sa nag-agawang Serrano at Publico ngunit bumagsak ito sa kabilang banda ng kalsada dahil tinamaan na ito. Binaril na rin ng mga pulis si Publico dahil imbis na sumuko ay tatakbo pa sana itong palayo.

Agad namang dinala sa Ormoc District Hospital ang dalawa dahil humihinga pa si Perez noon, subalit idineklara itong dead on arrival ni Dr. Jessie Castro ng nasabing pagamutan. Dinala naman kaagad ang bangkay ng dalawa sa morgue ng City Health Department nang gabi ring iyon, subalit wala pa ring mga kamag-anakan ang dumating.

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.