2 Sugatan sa Holdapan sa Bus

ISANG HOLDAPER at isang pasahero ang nasugatan makaraang tangkain ng una kasama ang isa pa na manlaban sa isang pulis na rumesponde sa panghoholdap nila sa isang pampasaherong bus sa Quezon City, kamakailan.

Kinilala ang nasugatang salarin na si Mark Charlie Ang, 18, ng Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City.

Habang ang sugatang pasahero ay si Jonnafe Lazano, 26, ng Brgy. Malinta Valenzuela City. Tinutugis naman ng mga kinauukulan ang isa pang suspek na nakilalang si Gerry Bisaya na mabilis na nakatakas makaraan ang insidente.

Naganap ang panghoholdap ganap na alas-10:30 ng gabi sa loob ng Pamana Transport Service Inc. bus (TXM-772) sa tapat ng Manila Seedling Bank sa kahabaan ng EDSA cor. Quezon Avenue, Brgy. Bagong Pag-asa.

Sumakay umano sa nasabing bus na minamaneho ni Renato Tomarao ang mga salarin at agad na nagdeklara ng hold-up.

Tinutukan ng mga suspek ng patalim ang mga pasahero at kinuha ang pera at personal na gamit ng mga ito.

Ayon pa kay Diva, sakay rin sa naturang bus si PO1 Frankie San Pedro, nakadestino sa Valenzuela Police Station at agad na naglabas ng baril para dakpin ang mga salarin.

Ngunit agad ding naglabas ng baril si Bisaya at akmang itinutok kay San Pedro na mabilis na pinaputukan ng huli ang una, pero nagmintis at ang tinamaan ay si Ang.

Dali-dali namang tumakas ang mga salarin pero muling binaril ni San Pedro si Ang sa binti saka agad na natiklo.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na maging si Lazano ay tinamaan ng ligaw na bala sa kaliwang braso dahil sa putukan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.