2 sugatan sa away mag-live-in

RIZAL – DALAWANG KATAO ang sugatan kabilang ang 2-anyos na batang lalaki matapos na walang habas na magpaputok ng baril ang kanilang kapitbahay na naburyong sa away nila ng kinakasama kamakalawa ng gabi sa Antipolo City.

Kinilala ng pulisya ang biktima na sina Albert Dumalaon, 27, binata, driver; at Gian Carlo Rosales, 2, kapwa residente ng Sitio Gumamela, Brgy. Sta Cruz ng nasabing lungsod.

Pinaghahanap naman ang suspek na si Manuel Cuevas, nasa hustong gulang, kalugar ng mga biktima.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa harapan ng bahay ng suspek sa Sitio Gumamela, Brgy. Sta Cruz, Antipolo City.

Nabatid na nakaupo at nagpapahinga ang mga biktima sa tapat ng bahay ng suspek nang bigla na lamang magpaputok ng baril ang suspek, kung saan parehong tinamaan sa kanang paa ang dalawang biktima.

Nauna rito ay narinig ng mga kalugar na nag-aaway ang suspek at ang kinakasama nito dahil umano sa selos.

Ang dalawa ay parehong isinugod sa Amang Rodriguez Medical Center, kung saan ang mga ito ay nilalapatan ng lunas, habang isang manhunt operation naman ang ikinasa ng pulisya laban sa suspek.

(GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.