2 pulis sugatan sa demolisyon

PUTOK ANG ULO ng dalawang tauhan ng Philippine National Police (PNP) matapos tamaan ng bato nang magkaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga awtoridad at ng mga residenteng nagtayo ng kanilang barong-barong sa nasunog na lugar sa Navotas City, iniulat ng pulisya kamakalawa ng hapon.

Sina PO2 Genesis Lopez at PO1 Homer Maleta, ay kapwa nagtamo ng malalaking sugat sa ulo bunga ng malalaking bato na ipinukol ng mga idedemolis.

Masusing imbestigasyon naman ang isinasagawa ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng residenteng pumukol ng bato upang papanagutin ang mga ito sa pagkakasugat ng dalawang pulis.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang tensiyon dakong 9:00 ng umaga sa Leongson Extension, Brgy. San Roque ng nasabing lungsod.

Ayon sa ulat ng pulisya, nakatakdang i-demolis ng mga awtoridad ang mga itinayong barong-barong ng mga residente sa nasunugang lugar kung saan labing-dalawang katao ang namatay.

Nagsimulang magtayo ang mga residente ng kanilang barong-barong simula ng masunog ang kanilang lugar ngunit dahil na rin sa programa ng lokal na pamahalaan na tayuan ng bahay ang mga nasunugan ay ipinag-utos ang paggiba sa mga nagtayo ng kanilang matitirhan sa Leongson Extension.

Nang sisimulan na ang paggiba sa mga itinayong barong-barong ay nagbarikada ang mga residente kung saan ay ginamit pa ng mga ito ang mga bata bilang pananggalang sa demolition team.

Dahil naman sa ginawang ito ng mga residente ay napilitang dumating ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang kunin ang mga batang ginagamit na pananggalang na posibleng madamay sa kaguluhan.

Nang tatangkain na ng mga ito na kunin ang mga bata ay nagsimula nang umulan ng bato dahilan upang masugatan ang dalawang pulis kaya’t nagpasya na ang pamunuan ng Northern Police District (NPD) na umalis sa naturang lugar upang hindi na madagdagan pa ang masaktan.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.