2 Pulis-Caloocan, Sibak sa Shabu

DALAWANG PULIS NA nakatalaga sa Caloocan City ang sinibak sa kanilang tungkulin habang nadamay naman ang opisyal ng mga ito matapos magpositibo sa isinagawang drug test ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).

Base sa ipinalabas na kautusan ni NCRPO chief, Director Nicanor Bartolome, ang mga pulis na sina PO2 Armando Jimenez at PO3 Hermil Lumba, kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 6 ay dumaan sa summary dismissal matapos na magpositibo ang mga ito sa droga sa isinagawang drug test.

Agad ding ipinag-utos ni Bartolome na dis-armahan ang dalawang pulis at sa kasalukuyan ay nasa restrictive custody ng NCRPO habang ang hepe ng mga ito na si Sr. Insp. Albert Ebdane ay nadamay sa kasalanan ng mga sinibak na pulis dahil na rin sa tinatawag na command responsibility.

Samantala, kahit naman nag-negatibo sa droga ay sinampahan ng kasong administratibo ang mga pulis na sina PO1 Antonio Carmona ng PCP 6 at PO1 Elvin Tabora ng PCP 17 matapos na makuhanan ng video footage ang mga ito ng Imbestigador ng GMA-7 na gumagamit ng droga sa loob ng kanilang istasyon.

Dahil sa pagkadismaya sa sunud-sunod na pagkakasangkot ng mga pulis sa mga iligal na gawain partikular na sa iligal na droga, isasailalim ng NCRPO sa sorpresang “random drug test” ang 17,000 puwersa ng pulis sa Metro Manila upang mabatid kung sino sa mga ito ang gumagamit ng iligal na droga.

Kasama ring isasailalim sa drug test ang lahat ng opisyal, non-commissioned personnel at mga sibilyang empleyado ng PNP upang tuluyang malinis ang hanay ng mga ito sa droga.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.