2 Pulis-Antipolo, Sabit sa Tangkang Salvage

RIZAL – DALAWANG BAGITONG pulis ang nahaharap ngayon sa kasong tangkang salvaging matapos na magtungo at maghain ng reklamo sa tanggapan ng Rizal Police Provincial Office ang kanilang biktima kahapon ng umaga sa Antipolo City.

Kinilala ni Rizal PNP director P/Sr. Supt. Manuel Prieto ang mga suspek na sina PO1’s Randol Ofenano at Hernan Gregorio, parehong nakatalaga sa Antipolo Police station.

Ayon kay Ronald Leyva, 31 anyos, may asawa, residente ng Blk 3, Lot 15, Santana Village, Brgy. San Luis ng nasabing lungsod, naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa C. Lawis Ext., Brgy. San Isidro, Antipolo City.

Sakay umano siya ng kanyang motorsiklo galing sa bahay ng tiyuhing si ABC President  Lonie Leyva nang pahintuin siya ng dalawang lasing na pulis sakay ng isang kotse.

Dahil sa delikado ang lugar at pawang de baril ang nakasibilyang pulis, hindi huminto ang biktima hanggang sa matapat sa gate ng isang subdivision na may guwardiya.

Dito na siya inabot ng mga suspek at pinaggugulpi at nang tangkain niyang tumakbo, pinaputukan siya ng dalawang ulit at sa takot ay dumapa na lamang.

Ayon sa biktima, habang hawak siya sa leeg at tinututukan ng baril ay tadyak at suntok ang inabot niya sa dalawa at natigil lamang nang dumating ang police mobile car na nagdala sa kanya sa ospital bago itinuloy sa himpilan ng pulisya.

Dito ay pinapirma rin siya ng mga pulis na wala nang reklamo at sa takot ay napilitang lumagda.

Ipinag-utos na ni Sr. Supt. Prieto ang masusing imbestigasyon at sakaling mapatunayan ay mahaharap ang dalawa sa kasong kriminal at administratibo.

(GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.