2 Pinoy, bigo sa Winter Olympics

KAPWA NABIGO ang dalawang atleta na may dugong Pinoy na makakuha ng medalya sa magkahiwalay nilang event sa nagpapatuloy na Winter Olympics sa Sochi, Russia.

Ang Pinoy-Canadian na si Gilmore Junio ay bigong masungkit ang medalya sa men’s long-track skating event kaninang madaling araw, habang ang Fil-Am naman na si JR Celski ay pumuwesto lamang sa ikaapat sa men’s 1500-meter short track event.

Tumapos ng 10th place si Junio sa skating event kung saan naghari ang mga Dutch athletes.

Pinakamabilis si Michel Mulder na nakuha ang gold medal na sinundan ni Jan Smeekens sa silver medal at kakambal ni Mulders na si Ronald napunta ang bronze medal.

Una rito, si Celski ay nagtapos lamang sa fourth place sa men’s 1500-meter short track event sa kanyang oras na 2:15.624.

Naibulsa naman ni Charles Hamelin ng Canada ang kaniyang ikatlong Olympic gold medal na may best time, 2:14.985.

Silver medalist naman ang 17-anyos na Chinese na si Han Tianyu at bronze medalist si Victor Ahn ng Russia.

Bago ang palaro, naging bronze medalist si Celski noong 2010 Vancouver Winter Games.

Ang ina ni Celski ay isang Pinay habang ang ama naman ay Polish-American.

Si Junio, 23, naman na kumakatawan sa Canada, ay ipinanganak sa Calgary, Alberta sa kapwa mga Pinoy na magulang.

Samantala, sa Huwebes ng gabi February 13, sasabak ang kaisa-isang kinatawan ng Pilipinas sa Winter Olympics na si Michael Christian Martinez na lalaban sa figure ice skating.

Matatandaan na makalipas ang 22 taon na walang kalahok ang bansa, ang 17-anyos na si Martinez ang unang “homegrown” na Pinoy na ipinadala sa nasabing Olympics.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.