2 patay; 7 sugatan sa gumuhong lupa at bato

OLONGAPO CITY, ZAMBALES – Dalawa ang kumpirmadong namatay, habang pito naman ang nasugatan makaraang gumuho ang malalaking tipak ng bato at lupa mula sa Mt. Balimpuyo Tabacuhan, Brgy. Sta.Rita sa nabanggit na siyudad kahapon ng umaga.

Sa ulat ni P/SSupt. Christopher Tambungan kay Zambales OIC PNP Provincial Director P/SSupt. Francisco de Belen Santiago,kinilala ang mga nasawing biktima na sina Erlinda Macapal, 50 anyos; at Manilyn, 12 anyos; samantalang sugatan naman ang mga kasama nito sa bahay na sina Rogelio Macapal nasa hustong gulang; Harry, 15; at Whey Ann, 10 taong gulang.

Nabatid sa report ng mga awtoridad na kabilang sa mga nasugatan sina Donita Marquez, Richie Fuentes at dalawa pang empleyado ng Olongapo City Engineering Office, makaraang rumagasa ang malalaking tipak ng bato mula sa bundok ng Mt. Balimpuyo Tabacuhan.

Kabilang din sa sinagasaan ng mga dambuhalang bato ang tahanan ni Morel de Guzman, kung saan halos sinlaki ng sasakyan ang mga gumuhong bato mula sa nabanggit na bundok.

Ayon naman sa mga rescue ng Zambales Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), posibleng ang walang puknat na pagbuhos ng ulan dala ng bagyong Mina ang dahilan kung bakit lumambot ang istruktura ng bato at lupa sa gilid ng bundok.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni PDRRMC chief Graciela Q. Macabare ang mga residenteng malapit sa lugar na mag-ingat partikular sa mga nakatira sa gilid ng bundok na lumambot ang lupa. (TONY DELA PEÑA) 

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.