2 patay, 4 malubhang sugatan sa pinagtatalunang lupa

DALAWANG KALALAKIHAN ANG napatay habang apat katao pa ang nasugatan makaraang magsagupa ang mga residente ng Pangarap Village at mga security guard ng Araneta Village dahil umano sa awayan sa lupa sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Pawang dead-on-arrival sa Commonwealth Medical Center sa Quezon City sanhi ng tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sina Solomon Gomez, 45, at Rommel Fortades, 30, mga residente ng Brgy. 181, Pa-ngarap Village ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang nakaratay sa iba’t ibang pagamutan sina Henry Abaigar, 41, Gidorfredo Reyes, 63, Ricardo Galingon, 48 at Diosdado Bustrio, 49, mga naninirahan sa nasabing lugar.

Base sa ulat ni PO2 Reynalso Placido ng Sub-Station 4 ng Caloocan City Police at may hawak ng kaso, bandang alas-5:30 ng umaga  nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Araneta Ave. malapit sa kahabaan ng Quirino Highway, Pangarap Village.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, bago umano maganap ang insidente, kasalukuyan nagtitipun-tipon ang mga residente ng Pangarap Village sa nasabing lugar.

Walang anu-ano ay bigla umanong nagkabatuhan ng malalaking tipak ng bato sa pagitan ng mga residente at mga security guard ng Araneta Village.

Habang nagaganap ang batuhan ay may biglang sumabog na granada, kasunod nito ang pagpapaputok umano ng baril ng mga security guard.

Ang biktimang si Fortades na noon ay kasalukuyang kumukuha ng video ay tinamaan ng bala sa ulo gayun din si Gomez at mga kapitbahay.

Mabilis na dinala sina Fortades, Gomez sa nasabing pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay habang mga sugatan naman dinala naman sa iba’t ibang pagamutan.

Kaagad namang inimbitahan ng Caloocan Police para magbigay ng kanilang nalalaman hinggil sa naganap na insidente ang mga security guard na sina Tommy Macario Ramires, Noel Placenti at pito pang security guard. (ROMAN MAGPOC/ MARY H. SAPICO)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

One thought on “2 patay, 4 malubhang sugatan sa pinagtatalunang lupa

Leave a Reply

Your email address will not be published.