2 Patay; 3 Sugatan sa Kidlat

DEAD ON the spot ang dalawang katao, habang tatlong mangingisda pa ang sugatan matapos tamaan ng kidlat ang mga ito sa karagatang sakop ng bayan ng Sto. Tomas, La Union kahapon.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawing biktima na ang magkapatid na Jona, 21; at Jessica Lagao, 19, kapwa residente ng Barangay Baybay sa nasabing bayan.

Samantalang nagtamo ng minor injuries dahil sa insidente sina Vincent Cacayuran, 19; at Eduard Estacio, 15; habang kritikal naman ang kalagayan ng 19-anyos na si Marvin Cacayuran na nanatili pa rin sa La Union Medical Center sa bayan ng Agoo.

Ayon kay PO2 Henry Garcia ng Sto. Tomas Municipal Police Station, sinabi nito na pauwi na sana sa kanilang tahanan ang naturang grupo ng mangingisda sakay ng isang bangka nang biglang kumidlat at tamaan ang mga ito habang nasa kasagsagan ng malakas na ulan.

Dahil umano sa lakas ng boltahe ng kidlat, halos tumilapon ang sampung mangingisda na lulan ng sasakyang pandagat na agad namang ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng tatlo.

Agad naman umano silang sinaklolohan ng mga kapwa mangingisda sa lugar at isinugod sa pagamutan ang mga sugatan na nagtamo ng lapnos o paso sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

(TONY DELA PEÑA)

 

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.