2, Patay; 2, Sugatan sa Killer Truck

‘MAKUNSENSIYA SANA kayo!’ Ito ang nagngingitngit na sigaw ng pamilya at ng mga residente sa truck driver na umano’y responsable sa pagkamatay ng dalawang katao at malubhang ikinasugat ng dalawang iba pa na sinuro ng isang truck ng Pioneer Truck Parts and Equipments sa Iba, Zambales.

Dahil dito, binatikos ng mga kaanak ng biktima at ng mga residente sa nasabing lugar ang truck driver na nakilalang si Lorence Sulapas, 27 anyos, binata ng Las Piñas City, na gumagamit ng provincial logo ng lalawigan, gayong pag-aari ito ng pribadong kumpanya.

Samantala, kinilala naman ang mga nasawing biktima na sina Augusto De Guia, 31; at Virgilio Miranda, nasa hustong gulang. Habang nasa malubhang kalagayan sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital sina Mathrix Quetaneg, 6; at Olen Quetaneg, 33, kapwa residente ng Brgy. San Agustin.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 James Quevedo, dakong alas-10:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahagi ng National Highway ng Sitio Botlay, Purok 2 ng Brgy. Amungan ng nabanggit na bayan.

Nabatid na lulan ng bisikleta ang mga biktima nang suruin ng rumaragasang hauling ng Pozzolanic, na may plakang ZBJ-898 na may tanggapan sa Araneta Ave., Quezon City.

Bunsod nito, kinondena ng mga mamamayan ng Zambalez ang tanggapan ni Gov. Hermogenes Ebdane, kung bakit malayang nakagagamit ng provincial logo ang nabanggit na mga trucking gayong pag-aari ito ng pribadong kumpanya.

Sinikap ng pahayagang ito na kunin ang panig ng gobernador sa isyung ito, subalit tumanggi umano itong magbigay ng anumang pahayag sa mga miyembro ng Central Luzon Media Association. Maging  si P/S Supt. Francisco DB Santiago, Jr. ay tumanggi ring magbigay ng pahayag hinggil sa kontrobersiyal na paggamit ng logo ng probinsya ng naturang mga trucking.

(TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.