2 patay, 1 sugatan sa madugong birthday party

NAGING MADUGO ANG selebrasyon ng isang kaarawan makaraang dalawang lalaki ang namatay kabilang ang isang hinihinalang miyembro ng Highway Robberies/Hold-up, samantalang isa ang sugatan matapos pagbabarilin ang mga ito ng isang di-kilalang salarin habang ang mga una ay nag-iinuman kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Agad na nasawi sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ang biktimang sina Melton Amurin alyas Monard Pusa, 27, may-asawa, ng # 268 Bo. Sto. Cristo, Tala, Caloocan City, sanhi ng tinamong tama ng bala ng kalibre .45 na baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan at Darwin Apiag, 20, binata, vendor, ng # 11 Bo. Sto. Cristo, Tala.

Ginagamot naman sa East Avenue Medical Center sa Quezon City si Erick Apiag, 23, may-asawa, vendor, ng # 11 Bo. Sto. Cristo, Tala, matapos magtamo ng bala ng baril sa kaliwang bahagi ng katawan.

Isang follow-up operation naman ang isinasagawa ng Caloocan Police sa agarang ikadarakip at pagkakakilanlan sa suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaslang.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng pamilya Apiag sa naturang lugar habang nagseselebra ang mga ito ng kaarawan.

Habang nasa kalagitnaan ng kasiyahan, isang lalaki na nakasuot ng sombrero ang biglang lumutang sa madilim na bahagi ng lugar na armado ng kalibre .45 na baril at walang habas nitong pinagbabaril si Amurin dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Subalit, minalas naman na tinamaan sina Apiag, kung saan nasawi si Darwin habang nasugatan si Erick.

Ayon sa ilang concerned citizen si Amurin ay itinuturong responsable sa mga nagaganap na Highway Robberies/Hold-up sa mga lugar ng Camarin, Pa-ngarap at Quirino Highway.

(MARY H. SAPICO)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.