2 pasahero, sugatan sa 4 na holdaper

DALAWA SA TATLONG pasahero ng isang pampasaherong jeep ang parehong sugatan makaraang barilin at paluin ng baril ng apat na hindi nakikilalang holdaper na nangholdap sa mga biktima sa loob ng sinasakyang jeep sa Bagong Silang, Caloocan City kamakalawa ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Eldhen Benavidez, 21, dancer, kasalukuyang nakatira sa Lot 7, Block 100, Phase 4B, Package 7, Bagong Silang; Richard Carino, 29, ng Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan; at Gina Enosa, 25, entertainer, ng Block 12, Lot 61, Phase 10, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ni SPO4 Dicoroso Domingo, may hawak ng kaso, bandang alas-4:30 ng umaga nang maganap ang pangho-holdap sa kahabaan ng Barugo Rd., Phase 9, Brgy. 179.

Nabatid na ang mga biktima ay sakay ng isang pampasaherong jeep na may plakang DGF-546 na minamaneho ni Rolando Salvador, driver, ng Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.

Nang mapadaan ang nasabing jeep sa isang madilim na lugar ay agad na nagdeklara ng holdap ang mga apat na holdaper at pinagkukuha ang mga mahahalagang gamit ng mga biktima.

Matapos na makuha ng mga suspek ang kanilang pakay ay isa sa mga holdaper na armado ng baril ang bumaril kay Benavidez na tinamaan sa kanang braso at sa tiyan habang ang isa pang holdaper na armado rin ng baril ay pinalo  si Carino ng puluhan ng baril sa dibdib na nagdulot ng malaking sugat.

Matapos nito ay nagsibaba na sa jeep ang mga suspek dala-dala ang kanilang mga nakurakot habang ang dalawang biktima ay mabilis na dinala ng driver ng jeep sa Tala Hospital para ipagamot.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.