2 Parak, Kritikal sa Riding-In-Tandem

KAPWA KRITIKAL ang kalagayan ng dalawang pulis makaraang barilnin ang mga ito ng dalawang hindi nakikilalang suspek na nakasakay sa motorsiklo sa Navotas City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng Navotas Police Station ang dalawang biktimang pulis na sina P/ Inspector Eljay Jacobe at P/Inspector Davi Garcia, pawang nakatalaga sa Laguna PNP.

Base sa ulat ng nasabing himpilan ng pulisya, dakong ala-1:40 ng hapon nang maganap ang nasabing pamamaril sa harapan ng EastWest Bank na matatagpuan sa kahabaan ng Northbay Boulevard South ng nabanggit na lungsod.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng dalawang biktima ang kahabaan ng NBBS sakay ng motorsiklo nang biglang sumulpot mula sa likuran ng mga biktima ang dalawang suspek na naasakay rin ng motorsiklo at sa puntong ito ay agad na pinutukan ang dalawang biktima kung saan unang tinamaan si Garcia sa likod at naglagos naman ang bala kay Jacobe na siyang nagmamaneho ng motorsiklo.

Parehong duguang tumimbuwang ang magkaangkas na pulis sa kalsada habang ang mga suspek naman ay mabilis na tumakas sa hindi nabatid na direksiyon.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa rin ang Navotas PNP para mabatid ang mga pa-ngalan ng mga suspek at ang motibo ng pangyayari at nagsasagawa na rin ng manhunt operation ang pulisya upang madakip ang mga may kagagawan ng pagtatangka sa buhay ng mga biktima.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.