2 lalaki patay, 4 sugatan sa riding in tandem

DALAWANG LALAKI ANG namatay habang apat ang sugatan matapos pagbabarilin ang mga ito ng isa sa dalawang ‘di pa kilalang salarin na naka-motorsiklo habang nag-iinuman ang mga una kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa FEU Medical Foundation, Quezon City, sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng 22 caliber ang mga biktimang sina Leonilo Antonio, 33, may-asawa, ng B-15, Lot 1 Brgy. Bagong Silang, Caloocan City at Chat Julius, 21, ng North Ridge, Palmera, Bulacan.

Patuloy namang ginagamot sa nasabing pagamutan sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang apat na sina Joseph del Miquez, 27, ng Phase 1 Package 3 Blk. 40, Bagong Silang, Caloocan; Jerbie Molina, 23, binata, ng #9 Jorge St., Sacred Heart Village, Brgy. 179, Caloocan City; Arjay Octobre, 20, ng Phase 3, Package 3 Blk. 62 Lot 15 Brgy. 176, Bagong Silang: at Alvin Cablan, 22, estudyante ng Blk. 24, Lot 22, Evergreen Towerville, Bagumbong, Caloocan City.

Isang masusing imbestigasyon naman ang isinagawa ng Caloocan police laban sa mga dalawang suspek sa agarang pagkakakilanlan at ikadarakip sa mga ito na mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo na hindi nakuha ang plaka matapos ang pamamaril sa ‘di malamang direksyon dala ang ginamit na baril sa krimen.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa labas ng bahay ng isa sa mga biktimang si Molina sa nasabing lugar.

Habang nasa kasarapan ng pag-iinuman ang mga biktima ay bigla na lamang lumutang ang mga suspek lulan ng naka-motorsiklo saka inilabas ang dalang baril ng isa sa mga suspek at walang habas na pinagbabaril ang mga una saka tumakas.

Agad namang dinala sa nabanggit na pagamutan ng kanilang kaanak ang mga biktima subalit nalagutan din ng hininga habang nilalapatan ng lunas sina Antonio at Julius habang ginagamot naman ang apat pa.

Inaalam na rin ng pulisya kung ano ang tunay na motibo ng mga suspek sa naturang krimen.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.