2 Kulong sa Pagnanakaw ng Imahe ni Mama Mary

SHOOT SA kulungan ang dalawang binata matapos nakawin ang imahe ni Mama Mary sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong Theft at Illegal Possession of Deadly Weapon at paglabag sa Omnibus Election Code sina Rommel Reyes, 18, ng C. Perez St., Tonsuya, Malabon; at Samuel Imson, 18, ng Tanza, Navotas.

Batay sa ulat, dakong alas-9 ng gabi nang pasukin ng mga suspek ang bahay ni Gina Sabilo sa Borja St., Baritan ng lungsod.

Kinuha ng mga suspek ang nasabing imahe bago nagsitakas habang nakita naman ng biktima ang ginawa ng mga una.

Agad na humingi ng tulong sa mga barangay tanod ang biktima na naging dahilan upang mahabol at makorner ang mga suspek.

Nanlaban pa ang mga suspek sa mga tanod subalit sa dami ng mga huli ay hindi na kinaya ng mga una.

Nabawi ang imahe at nakuhanan ng icepick ang mga suspek na dinala sa presinto at sinampahan ng mga nasabing kaso.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.