2 Kelot, Timbog sa Gang Rape sa Pasig

KALABOSO ANG dalawang lalaki matapos lasingin, painumin ng pampatulog at halayin umano ang isang 16-anyos na kainumang babae sa Manggahan, Pasig City, Sabado ng gabi.

Ayon kay Pasig City Police Chief Mario Raresa, nag-inuman ang anim na magkakaibigan kung saan apat dito ay lalaki at dalawa ang babae sa bahay ng isa sa mga salarin.

Napansin ng kasamang babae ng biktima na iba ang lasa ng kanilang iniinom na alak kaya nagsuspetsa ito at nagpaalam nang uuwi kaya naiwan ang 16-anyos na biktima.

Paggising ng dalagita, naramdaman nito ang pananakit ng iba’t-ibang bahagi ng katawan kaya agad nagsumbong sa mga kamag-anak pag-uwi sa kanilang bahay.

Nagreklamo sa pulisya ang pamilya ng biktima at naaresto ang dalawa sa apat na salarin, ang 24-anyos na production crew at 19-anyos na estudyante.

Isinailalim na sa medico-legal exam ang biktima pero hinihintay pa ang resulta.

Inihahanda na ng Women’s and Children Desk ng Pasig City Police ang kasong isasampa sa apat na suspek.

Samantala, hindi muna pinangalanan ang mga salarin dahil patuloy pang pinaghahanap ang dalawang kasamahan ng mga ito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.