2 Kelot, Patay sa Magkahiwalay na Insidente ng Pamamaril sa Baseco

DALAWANG LALAKI ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila.

Unang binawian ng buhay ang biktimang si Gener Moral, isang construction worker.

Nakita na lang u-manong nakabulagta ang biktima sa Block 11 kamakalawa ng gabi matapos mabaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Samantala, nakabulagta na rin nang matagpuan kahapon ng madaling-araw ang 25-anyos na si Rusty Salamat sa Block 18 extension ng nasabing compound at may tama ng bala ng baril sa ulo ang biktima.

May nakasukbit pang baril sa bewang ang biktima nang matagpuang ng pulisya.

Narekober din sa pinangyarihan ng krimen ang basyo ng kalibre .45 baril. Mababanaagan din dito ang ilang bakas ng dugo na nagpapapatunay na sinubukan pang itago ang krimen.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kamag-anak ng biktima. Tumanggi na rin silang ipa-autopsy si Salamat at sinabing ililibing ito kaagad alinsunod sa kaugalian ng Islam.

Samantala, ayon pa sa mga kamag-anak, kilala nila ang salarin at tiyak ang paghihiganti nila rito sa mga susunod na araw.

Patuloy pa rin sa ginagawang pagsisiyasat ng mga kinauukulan sa dalawang magkahiwalay na insidente.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.