2 Karnaper na Pipi at Bingi, Timbog

HINDI PA rin makapaniwala ang isang lalaki at maging

ang mga awtoridad na pipi at bingi ang dalawang menor na nangarnap sa isang van sa Albay.

Sa salaysay ng biktimang si Jose Bona Jr. y Longasa ng Anislag Daraga, bandang tanghali nang iwan niya ang kanyang sasakyan at nang bumalik ng ala-1:00 ng hapon wala na ito.

Agad namang nakapagsumbong sa mga awtoridad si Bona dahilan para ialerto ang lahat ng mga pulis sa lalawigan.

Makalipas ang dalawang oras, natagpuan ang sasakyan sa bahagi ng San Ramon, Tabaco City sakay ang mga suspek na 16-anyos na si “Jim” (hindi totoong pangalan), at ang 19-anyos na babae na kilala sa tawag na “Jenny” na pawang pipi at bingi.

Sa kuwento ng mga suspek sa pamamagitan ng kanilang interpreter, isang lalaki ang nagpasakay sa kanila subalit bigla na lamang itong iniwan sa bahagi ng bayan ng Sto. Domingo.

Nagkataon naman na marunong magmaneho ang menor kaya dala ang van ay hinanap nito ang Sto. Domingo Municipal Police Station subalit malayo na ang narating nito hanggang sa masabat ng mga awtoridad sa bahagi ng Tabaco City.

Dito na rin nadiskubre ng mga awtoridad na hindi makapagsalita at makarinig ang dalawa kaya ipinatawag pa ang mga guro nito sa isang special education (Sped) class kung saan nag-aaral ang mga ito.

Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng Legazpi City Police Station ang babaeng suspek habang nasa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang menor na kasama nito para sa umano’y intervention sa bata.

(EUNICE CALMA)

loading...

One thought on “2 Karnaper na Pipi at Bingi, Timbog

  1. Pingback: 2 Karnaper na Pipi at Bingi, Timbog - ShowbizNews.ph

Leave a Reply

Your email address will not be published.