2 Holdaper, Todas Sa Mga Parak

AGAD BINAWIAN ng buhay ang dalawa  sa tatlong holdaper, makaraang makipagbarilan sa mga nagrorondang pulis sa Brgy. Malamig, Bustos, Bulacan kahapon.

Sa ulat na ipinadala ni P/Chief Inspector Arwin Tadeo kay PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Joel Orduna, kinilala ang isa sa dalawang napatay na si Eddie Ignacio, 38 anyos, ng Brgy. Tabang Plaridel, Bulacan; habang wala namang pagkakakilanlan ang isa pang suspek. Nakatakas naman ang isa pang kasamahan ng mga ito lulan ng isa pang motorsiklo.

Base sa inisyal ng im-bestigasyon ng mga pulis, isang  holdap ang naganap sa Brgy. Malamig kung saan natangay ng mga suspek ang pitaka ng negosyanteng si Cesar Villanueva, 53 anyos, may asawa ng Brgy. Poblacion, Bustos matapos itong tutukan ng baril dakong alas-2:00 ng hapon.

Nabatid na makalipas ang ilang minuto, agad nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima upang ipaalam ang nangyari. Bunsod nito’y agad ikinasa ni Tadeo ang kanyang mga tauhan malapit sa lugar, kung saan bandang alas-3:00 ng hapon namataan ang dalawang motorsiklo na tumutugma sa sumbong ng biktima.

Agad na hinarang ang mga suspek, subalit agad nilang pinaputukan ang mga naka-checkpoint na pulis ilang metro mula sa himpilan ng pulisya rito. Gumanti ng putok ang mga pulis, dahilan upang agad na mapatay ang dalawa.

Nakuha sa pinangyarihan ng engkwentro ang dalawang kalibre 38 na baril, dalawang sachet ng Shabu, at limang basyo ng kalibre 38 na baril at isang Euro Motorcycle na walang plaka. Makalipas ang isang oras, natagpuan naman ang isa pang motorsiklo sa Brgy. Culianin sa bayan ng Plaridel na umano’y ginamit na get away nang isa pang suspek na tumangay sa pera ng negosyante.

Samantala, patuloy naman ang follow-up operation ng mga awtoridad laban sa isa pang suspek na nakatakas sa bakbakan.

(TONY DELA PEÑA)      

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.