2 Criminology Student, Kalaboso sa Droga

KULONG ANG dalawang estudyante matapos mahulihan ng Marijuana sa bayan ng Enrile, Cagayan.

Ayon kay S/Insp. Ramon Macarubbo Jr., hepe ng Enrile PNP, natiklo sina Dominick Bocayo at Jordan Andal, kapwa 18 anyos, at Criminology students sa isang pribadong kolehiyo sa Tuguegarao City sa checkpoint ng PNP kaugnay sa umiiral na Oplan VISA (Verification Identification Sticker Authenticity) sa Brgy. Ruma, Enrile.

Sinabi ni Macarubbo na napansin nilang nagpaso na ang registration ng plaka ng sinasakyang motorsiklo ng mga salarin nang pinahinto ang mga ito kung kaya’t binusisi nila ang papeles nito lalo nang mapansin ang kakaibang ikinikilos ng dalawa.

Aniya, tumambad sa mga awtoridad ang isang brick ng Marijuana na nabalot ng newspaper na kinuha umano sa lalawigan ng Kalinga, nang binuksan ng mga suspek ang u-box ng kanilang motorsiklo.

Ikinadismaya naman ito ni Macarubbo dahil estudyante pa lamang ang mga salarin sa Criminology pa man din at mga future law enforcers kung sakali pero gumagawa na ng iligal na gawain.

Kung kaya’t nararapat lamang aniya na maparusahan ang mga ito dahil ang katulad ng mga ito ang sumisira sa imahe ng kapulisan oras na makapasok sa hanay ng PNP.

Kasalukuyang nakapiit ang dalawa sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cataggaman, Tuguegarao City matapos kasuhan ng paglabag sa section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa pag-iingat ng mga ito ng iligal na droga.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.