2 Carnapper, Nakatakas sa Selda

NAKATAKAS ANG dalawang carnapper matapos malagare ang rehas na bakal sa detention cell sa Caloocan City kamakalawa ng madaling-araw.

Nakilala ang mga nakatakas na sina Donald John Torribio, 19; at Berlin Del Rosario, 23 kapwa ng lungsod.

Sa naantalang ulat, alas-3 ng madaling-araw nang malaman ni duty desk officer ng Barugo Police Station na si PO1 Reggie Nuevaespana na nakatakas ang dalawa.

Lumalabas na nalagare ng mga nakatakas ang apat na piraso ng rehas na bakal bago dumaan sa kusina ng nasabing Police Station hanggang sa makatakas.

Nabatid na huling inikutan ang selda ng mga nakatakas noong Huwebes ng umaga, alas-11:15.

Dahil dito, sinibak sa puwesto si Nuevaespana at sasailalim sa imbestigasyon at malamang na masampahan ng kaso kapag napatunayan na nagpabaya sa kanyang tungkulin.

Kasalukuyan pang pinaghahanap ang mga nakatakas upang maibalik sa selda.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.