2 bulagta sa ratrat sa Taguig

PATULOY ANG patayang nangyayari sa Taguig City makaraang dalawang lalaki ang paulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang suspek, kamakailan.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa dalawang namatay na kapwa may taas mula 5’2”-5’3”, parehong nakasuot ng maong na short pants, isa ang nakasuot ng berdeng T-shirt habang ang isa pa ay puting sando ang suot.

Base sa inisyal na report ng Taguig City Police, dakong alas-2:45 ng hapon nang marinig ang sunud-sunod na putok ng baril sa kanto ng Gumamela at Pamela Sts. sa Brgy. Lower Bicutan.

Nang respondehan ng pulisya, tumambad ang mga labi ng mga biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan.

Ayon sa salaysay ng isang testigo, nakita niya ang isang lalaki na may bitbit na baril na papaalis sa crime scene.

Agad na nagtatakbo papasok sa kanilang bahay ang nasabing testigo sa takot na siya ang balingan sabay pagsasabing hindi niya namukhaan ang suspek.

Samantala, bukod sa nabanggit na witness, wala nang gustong lumantad upang ikuwento pa ang kanilang nasaksihan dahil sa maaaring sila umano ang pag-initan ng mga salarin.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.