2 Brgy. Tanod, Hinoldap na, Binoga pa

SINISIYASAT PA rin sa kasalukuyan ng mga kinauukulan ang pagkakatukoy sa mga suspek sa panghoholdap at pamamaril sa isang eskwelahan sa elementarya sa Candelaria, Quezon.

Napag-alaman na nangyari ang insidente bandang ala-1:00 ng madaling araw sa ikalawang palapag ng isang gusali ng Bukal Sur Elementary School.

Base sa impormasyon, nabatid na habang nasa duty ang dalawang barangay tanod na sina Cipriano Molina, 51, at Sergio Batocabe, 47, kapwa residente ng Sitio Taguan, Barangay Bukal Sur sa nasabing bayan, ay namataan ng mga ito ang ginagawang pagsira sa padlock ng isang classroom ng tatlong kalalakihan.

Hindi na nila ito nagawa pang awatin nang tutukan umano sila ng baril.

Nabaril si Molina ng isa sa mga salarin at kinuha pa ang wallet nito at ang cellphone ng kasamang si Batocabe.

Hindi pa nakontento ang mga suspek at ginapos pa umano ang mga biktima habang nakatakas naman ang mga salarin na dumaan sa likod na bahagi ng eskwelahan.

Narekober sa crime scene ang isang bala mula sa caliber .45 at isang sirang padlock.

Samantala, nagpapagaling pa si Molina habang inihahanda naman ang kasong robbery with frustrated homicide laban sa mga salarin.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.