2 Bellboy ng Hotel, Tulak ng Shabu

MALIBAN SA pagiging trabahador sa hotel, tulak din ng iligal na droga ang dalawang bell boy makaraang mahulihan ang mga ito ng Shabu ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nakapiit ngayon sa detention cell ng Station Anti-Illegal Drugs- Special Operation Task Group, Caloocan Police ang dalawang suspek na sina Tomas Tolosa, 42, binata, ng Phase 7, Lot 3, Block 42, Bagong Silang Caloocan City; at Gil Madulio, 43, may-asawa ng No. 229 Molave St., Sta. Clara, Bulacan at kapwa bellboy ng Marsman Hotel na matatagpuan sa 2nd Ave., Caloocan City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:00 ng gabi nang isagawa ang operasyon sa tapat ng nasabing hotel kung saan nagpanggap na poseur buyer si PO2 Raymond Hernandez.

Nang matanggap ng mga suspek ang P1,000 mark money kapalit ng 4-na plastik na naglalaman ng Shabu ay agad na pinosasan sina Tolosa at Madulio saka dinala sa nasabing himpilan ng pulisya upang sampahan ng kaukulang kaso.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon na ang naturang hotel ay hindi lamang prente ng prostitusyon, kundi tambayan din ng mga tulak ng iligal na droga.

 (MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.