2 Bebot, Tiklo sa Pekeng Pera

ARESTADO ANG dalawang babae matapos makum-piska sa kanila ang mga pekeng pera na P1,000 at P500 sa Pasay City.

Kinilala ang magkapit-bahay na salarin na sina Mylene Gallado, 30-anyos at Cathy Bautista, 26-anyos na kapwa residente ng Quezon City.

Sinabi ni Pasay City Police Chief Senior Supt. Rodolfo Llorca na nadakip ang mga suspek kahapon ng madaling-araw matapos i-reklamo ng mga nagtitinda sa Aliwan Festival.

Ayon sa isang tindera, bumili pa ang dalawa ng mga shoulder bag na nagkakahalaga ng P4,000, subalit nang suriin ang ibinayad na tig-P1,000 ay natuklasang peke ito.

Nadiskubre ang iba pang mga pekeng pera na umaabot sa P12,500 halaga matapos na kapkapan ng mga pulis ang mga salarin.

Madulas umano ang pekeng pera na nakum-piska at pare-parehas pa ang serial number.

Tinatayang nasa lima hanggang anim pa ang kasabwat ng mga inaresto.

Itinanggi naman ng mga naaresto ang akusasyon dahil hindi naman daw nila alam na peke ang pera na kanilang hawak.

Kakasuhan ang mga ito ng paglabag sa Article 165 ng Revised Penal Code o possession of counterfeit money.

Samantala, dadalhin naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga nakumpiskang pera upang suriin.

Ikalawang pagkakataon na ito na may pekeng pera na nasabat sa Pasay, kaya patuloy na tinutunton ng mga kinauukulan ang nasa likod ng operasyong ito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.