2 Arestado sa Pekeng Titulo sa Lupa

HINDI NA nagawang makatakas pa ng dalawang katao na umano’y sangkot sa panggagantso sa pamamagitan ng pagsasanla ng pekeng titulo ng lupa kahapon sa isang dating OFW sa Brgy. Binang 1st, Bocaue,Bulacan.

Sa ulat na tinanggap ni P/Supt. Nathaniel Villegas, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Marietta Padilla Y  Bocaling, 42, ng Northville-7, Brgy. Malis, Guiguinto; at Yolanda Mangahas, nasa hustong gulang,umano’y financier ng grupo, residente ng Hagonoy; habang pinaghahanap pa ang utak ng sindikatao na si Marvin Barroga, 35-40 anyos, alyas Sam, ng Brgy. Tabang; at Brgy. Chairman Rodelio Camitan ng Brgy. Poblacion, Plaridel; samantalang ang biktima naman ay nakilalang si Armado MagalingY Amorgan, 42, da-

ting OFW, at residente ng Brgy. Caingin, Bocaue.

Base sa inisyal na imbestigasyon nina P/Sr. Insp. Ronnie Pascua at PO1 Saradi at PO1 Dela Peña, dakong ala-1:00 kahapon nang isagawa ang entrapment sa isang fastfood chain, kung saan iniabot ng biktima sa mga suspek ang marked money na hinawakan ni Yolanda.

Nabatid na pilit umanong kinuha ng mga suspek ang perang gagamitin sana sa pagpa-follow-up ng mga dokumento ng pekeng titulo ng lupa na isinanla ng mga suspek.

Ayon sa biktimang, huli na nang madiskubre nilang mag-asawa, na peke ang dalawang titulo ng lupa na isinanla sa kanila kabilang na rito ang 23.252 sq meters na lupa na isinanla lamang sa halagang P150,000 nang magsadya sila sa Register of Deeds sa Meycauayan at Guiguinto.

Tinatayang aabot sa mahigit sa P500,000 ang kabuan ng natangay ng mga suspek makaraang maisanla ang dalawang titulo na umano’y peke.

Dahil dito ikinasa agad ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek, habang pinaghahanap na ang dalawa pang kasama nito na sina alyas Sam at Kapitan Rodelio.

Kasabay nito’y pormal nang sinampahan ng kaso sa Bulacan Prosecutor’s Office ang mga suspek.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.