2-Anyos, Naabo sa Sunog sa Makati

PATAY ANG isang 2-taong gulang na batang babae sa sunog sa Arellano street, kanto ng Zobel Roxas Street sa Palanan, Makati City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang  nasabing biktima na si Leilzei Joy Boyco.

Sinabi ni Sr. Insp. Tito Purgatorio, hepe ng Investigation-Intelligence Division ng Makati Fire Department na natagpuan ang bangkay ng bata malapit sa pintuan ng nasunog nilang bahay.

Ayon sa ama ng biktima na si Dariel Boyco, 21, nailabas na niya si Leigh mula sa nasusunog nilang bahay at naiabot na sa mga kapit-bahay.

Subalit hindi nito namalayan na napabayaan umano ng mga kapitbahay ang kanyang anak dahilan upang bumalik ito sa kanilang bahay kung saan abala ang ama sa pagliligtas ng gamit.

Lumalabas sa pagsisiyasat, sinasabing nag-umpisa ang apoy sa ikalawang palapag ng Pamilya Boyco dahil sa nag-init na exhaust fan, alas-2:10 kahapon ng madaling-araw.

Halos 10 minuto lang, itinaas na sa ika-limang alarma ang sunog.

Alas-2:45 nang ideklarang fire out ang sunog.

Tinatayang nasa 35 kabayahan ang natupok ng apoy na nakaapekto sa tinatayang 50 pamilya.

Tulong-tulong namang rumesponde ang higit 45 trak ng bumbero sa sunog.

Dahil naganap ang sunog sa boundary ng Makati, Manila at Pasay, nahagip din ng apoy ang ilang bahay sa kalapit na creek sa bahagi na ng Pasay.

Sa ngayon, naghihintay pa rin ng tulong ngayon mula sa lokal na pamahalan ang mga nasunugan na nagkakampo ngayon sa kalye.

Samantala, dahil sa hinalang electrical na dahilan ng sunog, nagpayo ang mga rumespondeng bumbero na i-check lagi ang mga appliances lalo na sa init ng panahon.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.