2 AFP reservist, patay sa ambush!

PINAGBABARIL AT NAPATAY ang dalawang negosyante at reservist ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos tambangan ng dalawang hindi pa nakikilalang mga salarin, habang ang mga biktima ay nagkukuwentuhan sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Nodado Hospital si Virgilio Macalinao, 49, may asawa, ng Block 123, Lot 5, Package 11, Phase 8, ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kaagad namang namatay habang dinadala sa Dr. Jose Rodriguez Hospital si Jonathan Siocon, 40, na nagtamo rin ng tama ng bala ng 9mm sa dibdib.

Sa report kay P/Supt. Bong Dimalanta, Deputy Chief of Police for Administration (DECOPA), bandang alas 7:20 ng gabi nang maganap ang pananambang sa biktima sa kahabaan ng Block 123, Lot 5, Package 11, Phase 8, Caloocan City.

Ayon kay Dimalanta, nagkukuwentuhan sina Macalinao at Siocon nang bilang sumulpot ang dalawang suspek lulan ng motorsiklo at walang humpay na pinagbabaril ang dalawang reservist.

Nang matiyak ng mga salarin na patay na ang kanilang pakay, tumakas ang mga ito papuntang Quezon City.

Sa follow-up operation ng mga tauhan ni Dimalanta, posibleng mga holdaper ang may gawa nang pamamaslang sa mga biktima.

“Reservist kasi sila, alam naman natin na ang Phase 8 ay pugad ng mga holdaper at sila (victims) ang napapagbinta-ngan na may kagagawan sa mga nangyayaring raid sa lugar na ‘yun,” ani Dimalanta.

Nagtanung-tanong din si Dimalanta sa mga kapitbahay ng mga biktima kung sila ay mga abusado at nabatid na tahimik at walang kaaway sa kanilang lugar sina Macalinao at Siocon.

Inatasan na rin ni Dimalanta ang kanyang mga intelligence officer na kilalanin o kaya matukoy kung sino ang mga salarin.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.